Manila, Philippines – Tanggap ng ilang mga senador ang nilulutong joint exploration sa West Philippine Sea sa pagitan ng Pilipinas at China kung saan mas lamang ang ating bansa sa 60-40 na magiging hatian.
Para kina Senate President Vicente Sotto III at Senate President Pro Tempore Ralph Recto, maganda ito dahil payag ang China na mas lamang tayo.
Katanggap tanggap ito para kay Senator Panfilo Lacson, dahil ang 60-40 sharing ay umaayon sa itinatakda ng ating konstitusyon ukol sa foreign investment.
Paliwanag pa ni Lacson, walang kakayahan o teknolohiya ang Pilipinas para magsagawa ng pagmimina ng langis at natural gas sa West Philippine Sea.
Diin ni Lacson, panahon na para ang mayamang natural resources sa West Philippine Sea ay mapakinabangan at makatulong sa pagpapa-angat sa buhay ng mga Pilipino.
Wala ding nakikitang masama dito si Senator Joel Villanueva lalo pa at nauna ng pumasok sa ganitong uri kasunduan ang Pilipinas sa ibang bansa para naman sa Malampaya natural gas.
Apela lang ni Senator Villanueva sa Department of Energy (DOE), ipaalam sa Kongreso at sa publiko ang magiging laman ng kasunduan sa China para masuri itong mabuti at matiyak na hindi malalagay sa alanganin ang ating ekonomiya at kasarinlan.