Manila, Philippines – Ipinasara ng Makati Business Permit and Licensing Office (BPLO) ang kumpanyang ANGKAS dahil sa pagpapatakbo ng mga motorsiklong habal-habal na walang business permit mula sa City Government ng Makati.
Ayon kay Atty. Maribert Pagente, hepe ng Makati BPLO, naglabas sila ng Order of Desistance/Closure sa Angkas Training Center na matatagpuan sa Natividad Building sa Chino Roces Avenue, Makati City.
Kanina nagsagawa pa ng aktwal na inspeksyon sa nasabing establisyimento ang mga inspector ng BPLO katuwang ang LTFRB, LTO at Highway Patrol Group, kung saan nabigong magpakita ng kaukulang Business Permit ang kumpanya.
Ang nasabing aksyon ay bunsod ng kahilingan ng LTFRB sa tanggapan ni Mayor Abby Binay na magbigay ng assistance upang mapigilan ang iligal na operasyon ng ANGKAS, dahil sa dumaraming aksidente na kinasasangkutan ng mga sasakyan ng ANGKAS.