Friday, February 27, 2026

TANGGAPAN NG BISE ALKALDE SA ALAMINOS CITY, NAKIISA SA ANTI-EPAL CAMPAIGN NG DILG

Buong suporta ang ipinapahayag ng Tanggapan ng Bise Alkalde sa Alaminos City, sa kampanyang Anti-Epal ng Department of the Interior and Local Government (DILG), bilang bahagi ng pagsulong ng mas propesyonal at transparent na pamamahala.

Sa isinagawang paglilinis, tinanggal ng mga tauhan ng opisyal ang mga mukha, pangalan at logo sa mga ipinamahaging canopy sa iba’t-ibang bahagi ng lungsod na nagsisilbing silongan ng mga residente.

Alinsunod sa Department of the Interior and Local Government Memorandum Circular No. 2026-006, isinusulong ang mahigpit na pagpapatupad ng mga alituntunin laban sa paglalagay ng pangalan, larawan, o anumang pagkakakilanlan ng mga opisyal sa mga proyektong pinondohan ng pamahalaan.

Layunin nitong maibalik ang tunay na diwa ng serbisyo publiko—na nakatuon sa mamamayan at hindi sa personal na pagpapakilala.

Sa pamamagitan ng inisyatibong ito, higit na pinatitibay ang kultura ng pananagutan, integridad, at patas na paglilingkod sa komunidad. Ang hakbang ay bahagi ng mas malawak na layunin na itaguyod ang isang malinis, maayos, at makataong sistema ng pamahalaan para sa kapakinabangan ng lahat.

Facebook Comments