Tanggapan ng Bureau of Immigration sa Maynila, pansamantalang isinara

Inanunsiyo ng Bureau of Immigration o BI na pansamantalang sarado ang kanilang tanggapan  sa Maynila simula ngayong araw, Hunyo 8, 2020.

Ito’y makaraang magpositibo sa COVID-19 ang isa sa mga empleyado ng BI.

Ayon kay Melvin Mabulac, ang acting Chief ng National Operations Center ng BI, ang mga kasamahan sa opisina ng naturang empleyado ay isasailalim sa mandatory tests upang malaman kung nahawaan din ba sila ng COVID-19.


Magsasagawa naman ng sanitation at disinfection sa BI Main Office na matatagpuan sa Intramuros habang pansamantala itong nakasara.

Bahagi ito ng precautionary measure ng BI upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Inabisuhan din ng BI ang kanilang mga opisyal at tauhan, maging ang mga kliyente hinggil sa pansamantalang pagsasara ng BI main office kung saan wala pang eksaktong petsa kung kailan babalik ang operasyon, pero bukas naman ang mga opisina ng BI sa ibang mga lugar.

Ang mga kliyente ng BI na mayroong “confirmed online appointment” ay ire-reschedule sa oras na magbalik na ang normal na operasyon.

Maaari rin tignan ng mga kliyente ang website na immigration.gov.ph at official social media account ng Immigration para sa iba pang mga anunsyo o abiso.

Pinapayuhan din ang lahat ng mga opisyal at empleyado ng BI na manatili muna sa kanilang mga tahanan, habang may skeletal workforce arrangement sa ilang opisina nito tulad ng General Services Section, Property Section (logistics), BI National Operation Center, Management Information Systems Division at iba pang tanggapan na kinakailangan ang serbisyo at suporta.

Facebook Comments