Tanggapan ng isang investment scam sa Bukidnon sinalakay ng CIDG

Pinasok ng mga tauhan ng PNP-CIDG at Police Regional Office sa Region 10 ang opisina ng Ja Mining Ventures na umano’y sangkot sa investment scam.

Ayon kay CIDG Spokesperson Police Lieutenant  Colonel Grace Madayag, bitbit ang search warrant sinalakay ng mga pulis ang tanggapan sa Barangay 4, Malaybalay City; Barangay Poblacion Hagkol, Valencia City at Purok 5, North Poblacion, Maramag,  Bukidnon.

Nagsimula ang pagsalakay alas 2:00 ng hapon kahapon at nagtagal ng hanggang pasado alas 5:00 ng hapon.


Naaresto ang mga empleyado ng Ja Mining  Ventures na sina  Emeliana Fernandez 39-anyos,  Ernie Oliquino 37-anyos, John Lister Pacunayen 26-anyos, Ojelyn Busbos 22-anyos at Merlyn Perez 30-anyos.

Narekober sa tanggapan ang mahigit limang daang piraso ng blangkong certificate ng investment forms, 800 piraso ng resibo, cash na nagkakahalaga ng mahigit 612,000 pesos, 30 piraso ng special power of attorney, laptop, desktop computer at mga cellphone.

Sasampahan na ang mga suspek ng kasong paglabag sa Securities Regulation Code.

Facebook Comments