Magsasara pansamantala ang opisina ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Central Office simula Lunes, July 13, 2020.
Ito ay upang bigay-daan ang malawakang disinfection ng mga pasilidad ng ahensya na tatagal hanggang Biyernes, July 17, 2020.
Ang pagsasara ng LTFRB ay matapos makumpirma na positibo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) ang limang empleyado nito sa isinagawang RT-PCR swab testing ng Philippine Red Cross (PRC).
Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Martin Delgra III, ito ay sa kabila ng napakahigpit nang safety protocols na ipinatutupad sa ahensya.
Bunsod nito, inaabisuhan ang publiko na kasabay ng pansamantalang pagsasara ng LTFRB Central Office sa susunod na linggo, ang pagtanggap ng mga dokumento at pagproseso ng mga transaksyon ay magkakaroon ng pagkaantala.
Nilinaw din ng LTFRB na tanging ang kanilang central office lang na matatagpuan sa East Avenue, Quezon City ang pansamantalang isasara.