Tanggapan ng NAIA Task Force Against Trafficking at IACAT, isinailalim na rin sa lockdown matapos magpositibo sa swab test ang apat na tauhan ng task force

Isinailalim na rin sa lockdown ang mga opisina ng Ninoy Aquino International Airport Task Force Against Trafficking (NAIA-TFAT) at lahat ng opisina ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) sa NAIA.

Ayon kay Department of Justice (DOJ) Spokesman Usec. Markk Perete, agad na sinimulan kahapon ang lockdown matapos magpositibo sa PCR swab test ang apat na tauhan ng NAIA Task Force Against Trafficking.

Ginawa ang swab test sa Philippine General Hospital (PGH) noong July 2, 2020.


Inaasahang tatagal ang lockdown sa loob ng 14 na araw o hanggang July 22, 2020.

Nagsasagawa na ng malawakang disinfection at sanitation sa mga apektadong opisina ng NAIA-TFAT at Inter-Agency Against Trafficking sa NAIA.

Tiniyak naman ni Usec. Perete na bagama’t naka-lockdown ang mga opisina ng IACAT sa NAIA, nananatiling nakaalerto ang kanilang mga tauhan kontra sa human trafficking.

Bukas pa rin aniya ang opisina ng IACAT para tumanggap ng mga report hinggil sa trafficking sa pamamagitan ng kanilang hotlines at social media accounts.

Sa ngayon ay naka-self quarantine na rin ang 18 tauhan ng NAIA-TFAT at mahigpit na inoobserbahan kung mayroong magpapakita ng anomang sintomas ng Coronavirus.

Ang ibang mga empleyado nito ay magpapatuloy naman muna sa work from home na setup habang naka-lockdown ang kanilang mga opisina sa NAIA.

Facebook Comments