Tangkang destabilisasyon laban kay Pangulong Duterte, fake news – DND/AFP

Mariing itinanggi ng defense at military officials ang ulat na may grupo ng mga retirado at aktibong military officers ang bumubuo ng destabilization plot laban kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa tila pagyuko nito sa China sa isyu ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.

Usap-usapan sa social media na mayroong Viber group na binubuo ng 300 military officials na nananawagan kay Pangulong Duterte na magkaroon ng matibay na pahayag laban sa China.

Umakyat pa umano sa 500 ang mga miyembro ng group chat dahil sa patuloy na pananahimik ng Pangulo sa panghihimasok ng China sa West Philippine Sea.


Kasama rin sa Viber chat sina Defense Secretary Delfin Lorenzana, National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Cirilito Sobejana Jr.

Itinuturing ni Lorenzana itong fake news at kinokondena nila ang iresponsableng propaganda na kumakalat online.

Kailanman ay hindi siya o sinuman sa Department of National Defense (DND) ang magiging bahagi ng anumang grupo na magtatakwil sa Pangulo.

Sinabi naman ni Sobejana, walang katotohanan ang malisyosong group chat.

Layunin lamang aniya ito na magdulot ng panic at kalituhan.

Pinayuhan ng AFP Chief ang publiko na huwag maniwala sa mga ganitong destabilization plots.

Ang AFP ay isang professional organization na may tungkuling protektahan nag demokrasya.

Facebook Comments