Tangkang pag-atake ng NPA sa Sison Municipal Police Station sa Surigao del Norte, napigilan

Hindi nakaubra ang nasa walong miyembro ng New People’s Army (NPA) na atakihin at lusubin ang Sison Municipal Police Station sa Surigao del Norte kahapon.

Sa ulat ni Caraga Regional Director, Police Brigadier General Romeo Caramat Jr. kay PNP Chief Police General Debold Sinas, nakaramdam agad ang mga naka-duty na pulis sa Sison Municipal Police Station sa presensya ng NPA kaya agad na ipwenesto ang kanilang mga sarili sa mataas na parte at likurang bahagi ng Police Station bago nag-counter attack.

Nagtagal ng 15 minuto ang sagupaan bago nagsitakas ang mga NPA, wala namang nasugatan o nasawing pulis sa pag-atake.


Ang walong NPA ay pinamumunuan ni Gelan Ybanez alyas Weng at Zanjo ng Guerilla Front 16 ng North Eastern Mindanao Regional Committee ng CPP-NPA.

Samantala, pinagbabaril din ng mga NPA ang bahay ni Sison Municipal Mayor Karissa Paronia kung saan pomosisyon ang mga NPA 200 metro mula sa bahay ng alkalde.

Wala namang nasawi o nasugatan sa pananambang.

Samantala kahapon, inatake rin ng mga NPA ang tropa ng 901st Brigade ng Philippine Army ilang oras matapos ang pag-atake sa Sison Police Station at bahay ng Alkalde.

Sa pag-atake, sugatan si Corporal Arnel Belga.

Facebook Comments