
Arestado ang tatlong lalaki matapos dakipin ng mga pulis sa Clark Freeport Zone, Mabalacat City, nitong Linggo dahil sa tangkang pagdukot at pangingikil laban sa ilang Korean nationals.
Sa impormasyon mula sa Mabalacat City Police, dinukot ang mga biktima sa isang convenience store bago sapilitang dinala sa isang villa sa loob ng Clark kung saan sila pinagtulungan at pinagbantaan.
Pinilit din umano silang maglabas ng pera gamit ang pekeng paratang ng pagkakautang, pero nang mabigo, iniwan na lamang sila ng mga suspek.
Agad namang nagkasa ng operasyon ang mga pulisya nang malaman ang insidente dahilan para masakote ang mga suspek kung saan nasamsam mula sa mga ito ang ilang mga baril, magazine, at bala na ginamit sa krimen.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Mabalacat City Police Station ang tatlo at nahaharap sa mga kasong abduction at extortion.









