TANGKANG PAGNANAKAW, NASAWATA SA LINGAYEN

Isang tangkang pagnanakaw ang nasawata ng mga awtoridad madaling-araw ng Disyembre 22, 2025 bandang alas-3:15 ng umaga sa kahabaan ng Artacho Street, Brgy. Poblacion, Lingayen, Pangasinan.

Ayon sa ulat ng Lingayen Police Station, nagsasagawa ng mobile patrol ang mga tauhan ng MPU1 nang mapansin nila ang isang 23 taong gulang na lalaki na umaakyat sa bubong ng isang grocery store habang armado ng gunting na ginagamit sa corrugated metal roofing. Agad na inaresto ng mga pulis ang suspek.

Ang naaresto ay isang binata, tile setter, at residente ng Careenan, Dagupan City, na kasalukuyang naninirahan sa Brgy. Libsong, Lingayen. Inaalam din ang kinaroroonan ng dalawa pa niyang kasamahan na umano’y nagsilbing lookout—isang 21 taong gulang na construction worker mula Brgy. Libsong East, Lingayen, at isa pang lalaki—na tumakas nang mapansin ang paparating na mga pulis.

Narekober sa lugar ang isang itim na motorsiklo na pinaniniwalaang gagamiting sasakyan sa pagtakas. Sa paunang panayam, inamin ng suspek ang partisipasyon ng kanyang mga kasamahan sa insidente.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Lingayen Police Station ang suspek at ang nakumpiskang motorsiklo para sa wastong dokumentasyon at kaukulang proseso ng batas. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matunton at maaresto ang iba pang sangkot sa insidente. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments