Cauayan city, Isabela- Nabuking ang tangkang pagpupuslit ng kontaminadong karne ng baboy sa isang slaughterhouse sa bayan ng Aurora, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Protacio Alejandro, Municipal Agriculture Officer ng Aurora, kinumpirma nito na nakapasok na sa slaughterhouse ang mga kinatay na baboy na pagmamay-ari ng isang Arnel Mañego.
Ito’y matapos makatanggap ng ulat mula sa mga residente ang MAO kaugnay sa pagbiyahe ng isang indibidwal ng mga patay na baboy sa mismong slaughterhouse ng nasabing bayan.
Ayon pa kay Alejandro, nang makumpirma ang impormasyon ay agad na ipinag-utos na ibaon na sa lupa ang mga kinatay na baboy na hinihinalang kontaminado at huwag ng ibyahe sa ibang lugar.
Sa ginawang imbestigasyon ng ahensya ay umamin naman ang may-ari ng mga baboy na siya mismo ang nagdala sa slaughterhouse sa kadahilanang nanghihinayang umano ito sa mga alagang baboy at para makabawi na rin sa mga nagastos.
Kaugnay nito, pinaimbestigahan din ng MAO ang gwardiya ng slaughterhouse upang matukoy kung matagal na itong ginagawa na paglabag sa panuntunan ng Department of Agriculture (DA).
Nagpapasalamat naman si Ginoong Alejandro dahil sa maagap na pagsusumbong ng mga residente kaya’t napigilan aniya ang posibleng pagbebenta ng mga kontaminadong karne sa palengke.
Nagbabala naman si Ginoong Alejandro sa mga magtatangkang magpuslit ng baboy o anumang produkto nito na hindi dumaan sa tamang proseso na huwag ng subukang magpasok ng mga baboy kung wala namang kumpletong dokumento.