
Matagumpay na nasabat ng Philippine National Police Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP), katuwang ang Ninoy Aquino International Airport Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG), ang isang abandoned outbound parcel na naglalaman ng shabu sa isang cargo warehouse sa Andrews Avenue, Pasay City.
Ayon sa report ng PNP-AVSEGROUP, idineklarang “2 carbon water filters” ang kargamento at nakatakdang ipadala sa Australia ngunit lumabas na kahina-hinala sa X-ray screening.
Kinumpirma naman ito ng K9 Dog na si“Magnus” o ang sniffing operation at nagsagawa ng manual inspection katuwang ang Bureau of Customs.
Dito nadiskubre ang mahigit kumulang 58.3 grams ng illegal substance na nakatago sa loob ng kahon.
Ang nakumpiskang droga ay may tinatayang standard value na P83,835.
Bagama’t walang naaresto, lumabas na ang pakete ay ipinadala ng isang lalaki mula NCR patungo sa isang babae sa bansang Australia.
Pareho namam silang itinuturing ngayong persons of interest at isasailalim sa karagdagang imbestigasyon.
Ang nakuhang ebidensiya ay itinurn-over sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para tamang disposisyon.









