Pinaiimbestigahan ni Senator Jinggoy Estrada sa Senado ang insidente na nangyari sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center noong Linggo.
Matatandaang tatlong mga kasapi ng Abu Sayyaf Group ang nagtangkang tumakas sa kulungan kung saan ang isa rito ay hinostage si dating Senator Leila De Lima.
Hiniling ni Estrada na paganahin ang oversight powers ng Senado para ma-review ang security at safety measures sa PNP Headquarters.
Sa inihaing Senate Resolution 258 ay hinihikayat ni Estrada ang kaukulang komite ng Senado na magkasa ng imbestigasyon “in aid of legislation” kaugnay sa tangkang pagtakas ng tatlong detainees na sinundan ng hostage-taking kay De Lima.
Layunin ng gagawing pagsisiyasat na maiwasan ang anumang kahalintulad na karahasan at insidente sa loob ng Kampo Krame.
Sisilipin din sa idaraos na imbestigasyon ang alegasyon ng nang-hostage kay De Lima na si Feliciano Sulayao Jr., na batay sa affidavit na isinumite ng dating senadora ay sinasabing mistula umano silang hayop kung itrato sa kulungan at ang pagkain na isinisilbi sa kanila ay may baboy.