
Kinondena ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang tangkang pananambang sa alkalde ng Shariff Aguak, Maguindanao del Sur.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, agad inatasan ng pangulo ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at ang Philippine National Police (PNP) na imbestigahan ang insidente at papanagutin ang mga nasa likod nito.
Nakikipagtulungan na rin aniya ang Police Regional Office (PRO) ng Bangsamoro Autonomous Region (BAR) sa isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang mga salarin sa tangkang pag-atake kay Mayor Akmad Mitra Ampatuan.
Tiniyak ng pamahalaan na patuloy na paiigtingin ang mga hakbang upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lugar, at hinikayat ang publiko na makipagtulungan at magsumbong sa mga awtoridad kung may mapapansing kahina-hinalang kilos sa kanilang komunidad.
Ligtas ang alkalde sa insidente, ngunit dalawa sa kanyang mga tauhan ang nasugatan.










