Manila, Philippines-Kinumpirma ng Malakanyang na tinangkang suhulan ng isang malaking kompanya ng sigarilyo si Panguolong Rodrigo Duterte.
Sinasabing ipinadaan ng Mighty Corporation sa mga otoridad sa Mindanao ang suhol pero tinanggihan ito ni Pangulong Duterte.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, nabanggit kagabi ni Pangulong Duterte sa cabinet meeting ang nasabing bribery attempt at ipinauubaya na niya ito sa Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI).
Sabi naman ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, iniutos na rin ni Pangulong Duterte sa NBI na arestuhin ang hindi binanggit na opisyal ng Mighty Corporation dahil sa kasong economic sabotage.
Marami aniyang ginagawang katiwalian ang nasabing tobacco executive at ipinapangalandakan pa nitong nabibili niya ang lahat ng opisyal sa bansa.
Ang Mighty Corporation ay kasalukuyang iniimbestigahan ng Bureau of Internal Revenue dahil daw sa paggamit ng pekeng tax stamps.