Taniman ng Marijuana, Nadiskubre sa Loob ng Isang Hotel, Apartment sa Isabela

36

Cauayan City, Isabela- Nabisto ng mga otoridad sa loob ng isang hotel at apartment ang ilang taniman ng marijuana sa isinagawang magkahiwalay na paghahalughog ng PNP Cauayan, Provincial Intelligence Unit at Isabela PDEA RO2 sa Lungsod.

Sa pinagsanib pwersa ng mga operatiba ng Cauayan City Police Station, PIU at PDEA sa bisa ng Search Warrant na inisyu ni hukom Reymundo L Aumentado ng RTC, Cauayan City, Isabela sa paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ay matagumpay na naaresto ang suspek na kinilalang si Joey Uy, 34 taong gulang, may asawa at residente ng Brgy. Nungnungan 2, Cauayan City, Isabela.


Unang pinasok at hinalughog ng mga operatiba ang isang hotel sa Brgy. Nungnungan 2, Cauayan City na kung saan nakumpiska ang tatlong (3) piraso ng pinatuyong Marijuana na nakabalot ng aluminum foil at plastic; tatlong (3) karton na naglalaman ng dried marijuana leaves; isang (1) transparent plastic na naglalaman ng upos ng marijuana; isang (1) pack ng ph level decreasing chemical; isang (1) pack ng unused transparent plastic zip lock; isang (1) netbook, gunting, at stem cutter; apat (4) na piraso ng bala ng Cal. 45; limang (5) bala ng Cal 9mm; limang (5) incubating led light machines; isang (1) improvised incubating cabinet; tig-isang (1) stainless jack, vape with hose, stainless jar, pouch na naglalaman ng transparent ziplock, dropper, sako na naglalaman ng hydroponic nutrients; anim (6) na transparent ziplock na naglalaman ng aluminum emergency blankets; apat (4) na pipe tubes; 39 piraso ng plastic droppers; isang (1) aluminum pipe at pitong (7) seedling trays at paso.

Nakumpiska naman sa apartment ng suspek sa Villarta St, District 1, Cauayan City, Isabela ang isang (1) box na may dried marijuana; plastic bag na may tuyong marijuana, tatlong (3) paso na may tuyong marijuana seedlings; siyam (9) na incubating led lights; tatlong (3) carbonized filters; isang (1) box ng aluminum exhaust tube; dalawang (2) portable digital weighing scale at labing dalawang piraso ng paso na may lupa.

Ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa himpilan ng pulisya para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.

Facebook Comments