
Cauayan City – Nasawi ang isang lalaki habang anim naman ang sugatan matapos na magsalpukan ang isang single motorcycle at kolong-kolong sa Brgy. Suerte, Quirino, Isabela.
Kinilala ang driver ng kolong-kolong na si Romnick Estabillo, 36-anyos, LGU Employee, at residente ng Mallig, Isabela na lulan ang limang menor de edad na edad 11, 12, dalawang 13-anyos, at 14-anyos.
Kinilala naman ang driver ng motorsiklo na si Dominador Aduero, 55-anyos, barangay tanod, at residente ng Brgy. Sta Lucia, Quirino, Isabela.
Ayon sa inisyal na pagsisiyasat ng Quirino Police Station, tinatahak ng dalawang sasakyan ang magkasalungat na direksyon ng daan.
Nang makarating sa pakurbang bahagi ng daan ang single motorcycle, tinangka umano nitong mag overtake sa sasakyang nasa harapan nito subalit habang nasa proseso, nabangga nito ang kolong-kolong na noon ay nasa kabilang linya ng kalsada.
Dahil sa lakas ng pagkakabangga, nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan ang dalawang driver maging ang pasahero ng kolong-kolong na agad namang dinala sa pinakamalapit na pagamutan.
Sa kasamaang palad idineklarang dead on arrival ang driver ng single motorcycle.
Kasalukuyan namang nasa himpilan ng Quirino Police Station ang mga sasakyang sangkot sa insidente at driver ng kolong-kolong para sa karampatang disposisyon.