
Ikinukunsidera ng Senado na gawing apat na taon ang termino o panunungkulan ng mga Barangay at Sangguniang Kabataan officials oras na matuloy ang halalan sa Disyembre.
Ayon kay Senate President Francis Escudero, kasama ito sa mga tinalakay sa pulong kamakailan ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) na dinaluhan ng pangulo at mga senador at kongresista.
Sa panukala ng Senado, gagawing apat na taon ang panunungkulan ng mga Barangay at SK officials habang sa bersyon ng Kamara ay anim na taon naman.
Gayunman, pagbobotohan pa ito ng Senado at Kamara.
Nauna namang nagtungo sa mataas na kapulungan si Naga City Mayor-elect Leni Robredo kasama ang mga barangay chairman ng lugar kung saan idinulog at hiniling na huwag matuloy ang halalan ngayong taon dahil wala pang tatlong taon ang panunungkulan ng mga nakaupo sa Barangay at SK.









