Tapyas o pag-aalis sa excise tax ng mga produktong petrolyo, muling isinusulong sa Kamara

Muling inihirit sa Kamara ng grupong Makabayan na iprayoridad ang isinusulong na tapyas o pag-alis ng ‘excise taxes’ sa mga produktong petrolyo.

Sa inihaing House Bill 400 ng Makabayan Bloc ngayong 19th Congress, pinaaamyendahan dito ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law, at Tax Reform Act na ang pinakalayunin ay maibaba ang presyo ng mga produktong petrolyo na patuloy pa rin sa pagtaas ang presyo.

Bukod dito, ipinasasama rin ang mga produkto sa listahan ng “exempted” mula sa paninigil ng Value Added Tax o VAT.


Sa “summary of proposal” ng panukala ay pinatatapyasan ang excise tax sa gasoline, mula sa P10.00 ay ibababa ito sa P4.35 kada litro o katumbas ng P5.65 kada litro na kaltas habang ang kerosene, diesel at LPG ay tuluyang pinatatanggalan na ng excise tax.

Duda ang mga kongresista na bukod sa hirap na nararanasan ngayon ng mga Pilipino dahil pa rin sa epekto ng COVID-19 pandemic, tila ginagawang ‘scapegoat’ o palusot na lang ng pamahalaan ang tensyon ng Russia at Ukraine sa serye ng taas-presyo sa produktong petrolyo.

Facebook Comments