Tara System, idinetalye ni Senator Lacson; Faeldon, tumanggap ng 100 milyong piso na welcome payola sa kanyang pag-upo sa Customs

Manila, Philippines – Sa pamamagitan ng isang privilege speech ay inihayag ni Senator Panfilo Ping Lacson na palaging tagumpay ang kasamaan at kadiliman sa Bureau of Customs kaya kawawa ang Pilipinas.

Sabi ni Lacson, may mafia ng smuggling sa Customs at buhay na buhay ang tara system kung saan pangunahing nakikinabang dito ang nagbitiw na hepe ng Customs na si Capt. Nicanor Faeldon.

Sa katunayan ay tumanggap pa aniya ng 100 million pesos na welcome payola si Faeldon sa kanyang pagpasok sa Customs at ang 25 million pesos dito ay napunta sa kanyang middleman na si Joel Teves.


Kaya kung sa umpisa pa lang, ayon kay Lacson, ay nakinabang na si Faeldon ay talaga hindi nito malalabanan ang korapsyon sa Customs at sa halip ay madali itong kinain ng sistema.

Ayon kay Lacson, ang “standard tara” ay nagkakahalaga ng mula P14,700 hanggang P71,700 kada-container van na ibinibay sa mga opisyal at collector ng customs Central Office, Manila International Container Port (MICP), Port of Manila (POM), NAIA, Batangas Port, Clark at Subic, pati ang nakatalaga para mag monitor gates at x-ray ay may tinatanggap din.

Ipinalala pa ni Lacson kay Pangulong Rodrigo Duterte na kasama sa ipinangko nitong ipapryoridad ang korapsyon at iligal na droga.

Pero habang parami nang parami aniya ang namamatay sa war on drugs ay patuloy naman ang pamamayagpag ng korapsyon sa BOC at isa sa patunay nito ang malayang paglusot ng bilyun-bilyong pisong halaga ng shabu galing sa China.

Facebook Comments