Manila, Philippines – Aminado si Customs Commissioner Leonardo Guerrero na hindi taga-labas kundi nasa loob mismo ng BOC ang sindikatong kalaban niya sa pagpuksa ng katiwalian sa tanggapan.
Ayon kay Guerrero, hindi pa rin tuluyang nawawala ang tinatawag na “Tara” system sa kawanihan.
May mga sinampahan na aniya sila ng mga kasong administratibo para matanggal sa trabaho subalit mabagal ang pag usad nito dahil sa proseso.
Sinabi pa ni Guerrero na nakakadagdag sa problema ng kurapsyon ang mga brokers at importers na mismong pasimuno ng panunuhol sa mga tauhan ng BOC para mapabilis ang transaksyon ng kanilang mga shipment.
Personal aniya niyang nakita ang quotation ng mga brokers hinggil sa kung magkano ang halaga ng padulas para sa facilitation ng kanilang dokumento sa BOC.