Nakitaan ng mga eksperto ng tuloy-tuloy na pagbaba sa COVID-19 positivity rate ang Metro Manila.
Ayon sa OCTA Research Group, nasa 6% na lamang ang positivity rate sa Metro Manila na malapit na sa 5% na target ng World Health Organization (WHO) para tuluyang mapigilan ang pagkalat ng virus.
Anila, bago pa man ibalik ng Philippine Red Cross (PRC) ang COVID-19 testing nito ay talagang bumaba na ang naitatalang bagong kaso ng sakit kada araw.
Sa ngayon, ang average na bilang ng naitatalang bagong kaso kada araw sa buong bansa ay nasa 1,800 na lamang habang 490 sa NCR.
Gayunman, nagbabala ang OCTA Research Group na pwedeng madaling mababaliktad ang sitwasyon kung magpapakampante ang publiko, gobyerno at pribadong sektor.
Hinimok din ng grupo ang mga Local Government Unit (LGU) na high-risk sa COVID-19 na palakasin ang kanilang testing, contact tracing at isolation efforts at istriktong ipatupad ang minimum health standards.
Kabilang sa mga LGU na tinukoy ng grupo ay ang Makati; Malabon; Baguio City; Itogon at Tuba, Benguet; Lucena; Iloilo City; Catarman, Northern Samar at Pagadian sa Zamboanga Del Sur.