Sisikapin ng pamahalaan na maturukan ang 70% ng kabuuang populasyon ng bansa bago sumapit ang kapaskuhan.
Ayon kay National Task Force Against COVID-19 chief implementer at vaccine czar Carlito Galvez Jr., nasa 30 million doses ng bakuna ang inaasahang maisu-suplay sa Pilipinas sa Oktubre.
Kung magkataon, magagawang makapagbakuna ng pamahalaan ng 700,000 hanggang isang milyong indibidwal kada araw.
Aminado naman ang kalihim na bumaba talaga ang vaccination rate sa mga nakalipas na linggo dahil karamihan sa mga ospital ay nangangailangan ngayon ng mga doktor at nurse sa gitna ng patuloy na pagsipa ng COVID-19 cases.
“Baka po sa Christmas, we will try our best na makuha pa rin yung 70% na population natin kasi nakita namin na once na magtaas ang ating vaccine supply sa October na it will reach 30 million, pwede tayong makakuha ng 1 million per day… malaking tulong po sa atin ‘yon,” ani Galvez sa programang ‘Kwentong Barbero at iba pa’ sa RMN Manila.
Ayon kay Galvez, nasa 14,650,065 ang fully vaccinated sa buong bansa na humigit-kumulang 19% ng 70% targeted population ng bansa.
Habang nasa 20,433,849 na ang naturukan ng unang dose na 26% naman ng kabuuang targeted population.