Nagbabala ang OCTA Research Group na posibleng maantala ang pag-abot ng Pilipinas ng herd immunity pagsapit ng Disyembre dahil sa banta ng Delta variant ng COVID-19.
Ayon kay OCTA Research Fellow Fr. Nicanor Austriaco, maaaring maabot ang herd immunity sa NCR Plus 8 sa Pasko pero hindi dapat ipagsawalang-bahala ang banta ng Delta variant.
Ang NCR Plus 8 ay binubuo ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal, Pampanga, Batanga, Metro Cebu at Metro Davao.
Aniya, nagkakaroon ng surge kapag may pumapasok na variant sa bansa, tulad ng nangyari sa pagdating Alpha at Gamma variants.
Iginiit ni Fr. Austriaco na dapat paghandaan ng pamahalaan sakaling may pumasok na Delta variant sa bansa.
Bukod sa mas nakakahawa ang Delta variant, nagpapakita ito ng vaccine evasion o mayroon itong resistance mula sa ilang mga bakuna.
Habang wala pang ebidensya na ang Delta variant ay community transmission, hinimok ni Austriaco ang mga Pilipino na magpabakuna laban sa COVD-19.
Kailangan ding higpitan ang international travel protocols para hindi makapasok sa bansa ang nasabing variant at hindi kumalat sa mga komunidad.