Target na mabakunahan sa 2nd round ng National Vaccination Days, mananatili sa 7 million

Hindi magbabago ang target na bilang ng pamahalaan na mabakunahan sa ikalawang yugto ng Bayanihan, Bakunahan, kahit pa ilang lugar sa bansa ang ipagpapaliban ang kaganapang ito bilang paghahanda sa Bagyong Odette.

Kung matatandaan, inanunsyo ng pamahalaan na sa December 20 hanggang 22 na lamang idaraos ang vaccination days sa Visayas, Mindanao, Region IV-B, at Region V.

Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, tulad ng una nang inanunsyo ng Department of Health ay mananatili ang target ng pamahalaan na makapagturok ng pitong milyong second dose sa National Vaccination Days.


Ayon sa kalihim, umaasa sila na muling maipapamalas ang diwa ng bayanihan sa December 15 hanggang 17.

Umaasa rin ang pamahalaan na bubuhos muli ang suporta mula sa pribadong sektor, government organization at mula sa publiko, upang maabot ng pamahalaan ang target nitong mapataas sa 54 milyong indibidwal na fully vaccinated na sa pagtatapos ng 2021.

Facebook Comments