Target na OFW remittances, posibleng umakyat sa $31 billion

Manila, Philippines – Tiwala si House Committee on Banks and Financial Intermediaries Chairman Henry Ong na makakamit pa rin ng bansa ang mataas na revenue target mula sa OFW remittances bago matapos ang taon.

Ayon kay Ong, bagama’t bumaba ang OFW remittances sa Middle East umabot pa rin sa $26.5 billion ang OFW remittances mula Enero hanggang Oktubre ng 2018.

Ito ay gawa na rin ng pagtaas ng money transfers ng mga OFWs mula sa Africa, Europe, Oceania Pacific Islands, United States, Canada at Asia.


Malaking bahagi ng OFW remittances ay mula sa Africa na tumaas ng 22.7% o $113.23 million mula Enero hanggang Oktubre ngayong taon mula sa dating $92.3 million noong 2017.

Tumaas din ang Europe OFW remittances sa 8.7% o $3.44 billon mula sa $3.16 billion dahil na rin sa mga Filipino seafarers, nurses, engineers, farmers at household service workers.

Umangat naman sa 11.5% o $647 million mula sa $580.4 million ang remittances sa Pacific Island at Oceania Regions.

Habang sa Estados Unidos ay tumaas sa $8.2 billion o 6% ang OFW remittances at sa Canada naman ay umangat ng 54.1% o $806.36 million ang remittances.

Pero paalala ng mambabatas, hindi dapat magpaka-kampante ang pamahalaan dahil bumababa pa ang OFW remittances sa gitnang silangang Asya kung saan pinakamarami ang bilang ng mga OFWs.

Facebook Comments