Dahil sa COVID-19 pandemic at mga lockdown ay hindi mangyayari ang pangakong technical launch o pagsisimula ng serbisyo sa July 8, 2020 ng third major telecommunications company na Dito Telecommunity o ang dating Mislatel.
Ito ang sinabi ni Dito Telecommunity Chief Administrative Officer Adel Tamano sa pagdinig ng Committee on Public Services na pinamumunuan ni Senator Grace Poe.
Ayon kay Tamano, 300 pa lang sa ipinangakong 1,300 cell towers ngayong July ang naipapatayo para maibigay ang pangako nilang 27 MBPS na bilis ng internet sa 37% ng populasyon sa bansa.
Ipinaliwanag ni Tamano na dahil nagluluwag na ang mga lockdown ay makakaarangkada na silang muli upang maitayo nila sa pagtatapos ng taon ang hanggang 2,000 cell sites.
Sa pagdinig, sinabi ni dating Department of Information and Communications Technology (DICT) Undersecretary Eliseo Rio na mayroon pang anim na buwang palugit para tuparin ng Dito Telecommunity ang commitment nito.
Diin ni Rio, kapag hindi ito natupad ay maaaring kumpiskahin ng pamahalaan ang ₱25.7 billion na performance bond nito at pwede ring bawiin ang naka-assign ditong radio frequencies.