Target ng gobyerno na 29 pesos na presyo sa kada kilo ng bigas, maaabot lamang sa tulong ng subsidy – Farmers group

Posibleng maabot ang target ng Pamahalaan na 29 pesos na presyo sa kada kilo ng bigas kung maglalaan ito ng malaking halaga ng subsidiya.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Federation of Free Farmers Chairman Leonardo Montemayor na hindi mapapababa ng inaprubahang tariff cut sa imported na bigas ang presyo nito sa merkado.

Aniya, mahal pa rin kasi ang presyo ng inaangkat na bigas na sinabayan pa ng mahinang palitan ng piso kontra dolyar at makaaapekto ito sa kabuuang presyo ng bigas kapag ibinagsak na sa mga pamilihan.


“Right now, mahal ang bigas na inaangkat, tapos ‘yung piso po natin humihina kaya mas kailangan ng maraming piso para makabili po ng bigas.”

“Kapag pinagsama po ‘yung dalawang factors na ‘yun, mahal pa rin ang bigas kahit na tinapyasan mo ang taripa at hinikayat mo ang importer na mag-import. Pagdating sa Pilipinas mahal pa rin po ‘yan.”

Kaugnay nito, iginiit ni Montemayor na imposibleng maabot ang 29 pesos na per kilo ng bigas, maliban na lang kung maglalaan ng bilyong halaga ng subsidiya ang gobyerno para masuportahan ito.

Malaking tanong din kung saan kukuha ng pondo ang gobyerno para maisakatuparan ang nasabing target.

“Ang laki po ng subsidy na ‘yang requirement kasi kung ibebenta ng gobyerno at 29 pero nabili po ng 55 sa merkado, that’s 26 pesos per kilo subsidy.”

“Makakabili ka ng 29, pero dahil sinagot ng gobyerno 26 pesos kada kilo, eh saan kukuha ng ganoong klaseng pera ang gobyerno natin?”

Facebook Comments