Hindi kumbinsido ang isang grupo ng mga magsasaka sa target ng pamahalaan na magbenta ng ₱29 na bigas.
Sa panayam ng RMN Manila, sinabi ni Federation of Free Farmers’ Cooperative National Manager Raul Montemayor na posibleng hindi na kumita ang mga magsasaka kung ibababa sa ₱29 ang presyo ng bigas.
Giit ni Montemayor, walang katiyakan kung hanggang kailan kakayanin ng gobyerno na maglaan ng pondo para sa naturang proyekto.
“Pag-usapan natin ang subsidy, gastos ng gobyerno ‘yan kung wala ng pera ang gobyerno, matitigil na yan and in the meantime, baka nakalimutan na natin problema ng magsasaka na nahihirapan sa kanilang pagtatanim ng palay. Sa akin, ang sustainable solution pa rin to help our farmers ma-reduce yung cost nila on production, hindi lang sa pamamagitan ng subsidy kundi sa pagtutulong sa kanila maparami yung kanilang ani, mapababa yung cost of production nila para in the end pwede na sila magsupply ng bigas kahit walang subsidy ng gobyerno.”
Sa kabila nito, suportado naman ng grupo ang utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na sertipikahang urgent ang pag-amyenda sa Rice Tariffication Law.
Hindi pa rin kasi aniya bumababa ang presyo ng bigas kaya tama lang ang ginawang hakbang ng pangulo pero kinakailangan na mapag-aralan ng mabuti kung paano ang magiging proseso nito.
“Mataas ang presyo ng bigas, dapat bang magbenta ang gobyerno ng murang bigas, sa anong presyo sa kanino hindi masyadong napapag-usapan ‘yon parang sinasabi lang nila balik yung NFA sa palengke pero hindi napag-aaralan magkano i-gugugol ng gobyerno diyan baka mawawala na naman yung mga stock mapunta sa mga private na naman, so maraming preparation yan hindi dapat pabigla-bigla just because may lumitaw na problema.”