Aminado ang economic team ng administrasyong Marcos, na lumagpas ng bahagya ang target range ng inflation rate sa katapusan ng taon.
Sa deliberasyon ng 2024 budget sa Senado, naitanong ni Senate Minority Leader Koko Pimentel kung nananatili pa rin ba sa inflation rate target na 5 hanggang 6% ang pamahalaan hanggang sa pagtatapos ng 2023.
Tugon dito ni Senate Committee on Finance Chair Senator Sonny Angara, inaasahan na aabot ng 6.2% ang inflation rate hanggang sa katapusan ng taon, mas mataas ng bahagya sa target ng gobyerno.
Bagama’t hindi maganda pakinggan, sinabi ni Angara na mayroon mabuting dulot ang inflation dahil maaari itong magresulta sa mas malaki na makokolektang kita gayunman hindi talaga ito ang intensyon ng pamahalaan.
Giit ni Pimentel, kawawa rito ang taumbayan dahil sila ang sumasalo ng indirect taxes na dulot ng inflation at aminado si Angara na masama talaga ang epekto nito sa publiko.
Sa kabilang banda, sinabi naman ni Angara na ngayong Oktubre ay bumaba sa 4.9% ang inflation rate kaya inaasahan na hindi ito lalagpas sa 6% sa mga susunod na buwan.
Bukod dito, may mga inilatag din aniyang hakbang ang gobyerno para matugunan ang pagtaas ng food inflation at maibsan ang epekto nito sa taumbayan.
Ilan lamang sa mga ito ang pagpuno sa ating domestic supply at timely at sapat na importasyon, pagpapalakas ng bio-security at hog population programs, pagpapalawak sa Kadiwa Program, pagpapabilis sa pamamahagi ng targeted subsidies sa mga magsasaka at mga mangingisda at probisyon para sa monthly food credits ng mga pinakamahihirap na pamilyang Pilipino.