Target testing capacity ng bansa, umabot na sa halos 42,000

Deputy Chief Implementer of COVID-19 Response Vince Dizon

Hindi lang nakamit, bagkus nalagpasan pa ng pamahalaan ang target nitong testing capacity.

Ayon kay Bases Conversion and Development Authority (BCDA) President and Deputy Chief Implementer of COVID-19 Response Vince Dizon, naabot ang target na 30,000 testing capacity sa pagtatapos ng buwan ng Mayo at sa ngayon ay umaabot na sa 41,990 ang ating testing capacity.

Sinabi pa ni Dizon na noong Pebrero, tanging ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) lamang ang testing laboratory sa bansa.


Pero ngayon, 52 na ang testing laboratories sa buong bansa kung saan nasa 100 pa ang nakabinbin ang aplikasyon at naghihintay ng kanilang akreditasyon.

Sa pamamagitan ng mas malawak na testing capacity, mas madaling matutunton ang mga posibleng carrier ng virus at agad silang maa-isolate upang ma-contain at hindi na kumalat pa ang nakamamatay na sakit.

Sa ngayon ayon kay Dizon, target nilang isalang sa testing ang mga asymptomatic dahil base sa datos, 98% sa nagtataglay ng virus ay walang sintomas.

Kaugnay nito, palalawakin ang targeted testing sa mga matataong komunidad kabilang ang National Capital Region (NCR), Central Luzon, CALABARZON, Cebu, Davao at ilang malalaking syudad sa bansa.

Target din ng gobyerno na isalang sa testing ang mga frontliners kahit sila ay walang sintomas.

Facebook Comments