Sisimulan na ng gobyerno sa susunod na buwan ang targeted implementation ng Electricity Lifeline Program batay na rin sa Republic Act 11552 na naglalayong dagdagan pa ng 30 taon ang subsidiya sa gastusin sa kuryente ng mga mahihirap na pamilyang Pilipino.
Sa Laging Handa public briefing sinabi ni Dir. Luningning Baltazar ng Electric Power Industry Management Bureau (EPIMB) ng Department of Energy (DOE) na target ng mas maigting na implementasyon nito ang mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) o ‘yung nasa poverty threshold.
Pero, aminado si Baltazar na sa 4.2 milyong consumers na nakalagay sa listahan ng 4ps ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), nasa 12,900 pa lamang ang nakapagparehistro sa ilalim ng programa hanggang nitong July 31.
Kailangan kasing magparehistro muna ang isang 4Ps member sa distribution utility office para maka-avail ng diskwentro sa electric bill.
Base sa batas, makatatanggap ng bill discount ang mga konsyumer na gumagamit o kumokonsumo ng 100 kWh pababa kada buwan.
Paliwanag pa ni Baltazar, ibinibigay ang lifeline rate sa mga kwalipikadong konsyumer na walang kakayahang magbayad ng kanilang kabuuang bill ng kuryente alinsunod sa RA 11552 na nagpalawig at nagpahusay sa subsidized rate ng hanggang taong 2051.
Bukod dito, nilinaw ni Baltazar na kahit ang isang 4Ps member na nakatira sa bahay na hindi nakarehistro ay maaari nitong gamitin ang pangalan ng may-ari ng account na nakalagay sa electricity service para makakuha pa rin ng diskwento sa kuryente.
Kailangan lang aniyang magpakita ng pruweba o proof na nakatira ang benepisyaryo sa nasabing lugar.