Kinondena ni Senador Imee Marcos ang pamimilay ng Department of Agriculture (DA) sa abilidad ng gobyerno na itaas ang kinakailangang kita para makaagapay sa dobleng dagok ng African Swine Fever (ASF) at COVID-19 pandemic.
Inakusahan ni Marcos ang DA na nagbigay ng “kwestyunableng payo” kay Pangulong Rodrigo Duterte dahilan para lagdaan nito ang Executive Order (EO) 128 noong Miyerkoles, na nagtataas sa dami ng mga aangkating baboy at nagtatapyas sa taripa para tugunan ang kapos na supply dahil sa ASF.
Dismayado si Marcos dahil magbubunga ito sa pagkawala ng P11.5 billion sa pamahalaan na maaaring gamiting ayuda, pambili ng Personal Protective Equipment, bakuna at pantulong sa mga apektado ng ASF.
“Akala ko ba naghahanap tayo ng pera? Asan ang pinagmamalaking whole-of-government approach?” ani Sen. Marcos.
“Magtatapon lang tayo ng P11.5 billion na ayuda, bakuna at PPE at ikakanal ang mga lokal na magbababoy sa isang iglap,” idinagdag pa ng senadora.
Tahasang sinabi ni Marcos, na habang sinisiguro ng DA ang iskandalosong kita para sa pork importers, ay iniwan naman nilang nakatiwangwang ang plano para sa mga lokal na magbababoy na dapat sana ay pino-protektahan nila.
“Habang sinisiguro ng DA ang iskandalosong kita para sa pork importers, iniwan naman nilang nakatiwang-wang ang plano para sa mga lokal na magbababoy na dapat sana ay pino-protektahan nila,” sabi ng mambabatas.
Diin pa ni Marcos na siyang pinuno ng Senate Committee on Economic Affairs, isusuko ng EO 128 ang food security ng Pilipinas sa mga dayuhang producers at exporters habang mapipilitan ang mga lokal na magbababoy na magbenta ng palugi.