Taripa sa imported na asukal, pinadadagdagan para magamit sa sugar industry ng bansa

Pinadadagdagan ni Senator Grace Poe ang taripa ng imported na asukal sa bansa at ipinalalaan naman ang pondong malilikom dito sa sugar industry.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ay inirekomenda ni Poe na luwagan ng bahagya ang importasyon ng asukal para matugunan ang tumataas na presyo ng asukal at ang pangangailangan ng mga nasa industriya.

Pinuna ng senadora sa pagdinig ang malaking pagkakaiba sa presyo ng asukal sa world market at domestically kung saan ang international price ng asukal ay pumapalo sa P22 kada kilo habang P70 kada kilo naman ang presyo ng pinakamurang asukal mula sa bansa.


Inirekomenda ni Poe na maglaan ng P20 sa bawat isang kilo ng imported na asukal na maibebenta at ilaan ito sa mga nasa sugar industry.

Ayon naman sa Philippine Food Processors and Exporters Organization Inc. (PHILFOODEX), ang presyuhan ng imported na asukal sa bansa ay pumapalo sa P35 kaya para kay Poe kahit patungan ito ng presyo ay hindi naman ito ikalulugi ng mga consumers.

Dagdag pa ni Poe, sa bawat 300,000 metriko tonelada ng asukal na mai-import ay may katumbas agad ito na P3 billion para sa mga magsasaka at kung 150,000 metriko tonelada ay katumbas naman ito ng P1.5 billion na subsidiya sa mga nasa sugar industry.

Bukod pa aniya rito, maliban sa pantulong sa mga magsasaka ang isinusulong na dagdag taripa, tinatayang P28 naman ang matitipid pa rin ng ating mga consumers sa kada kilo ng bibilhing imported na asukal.

Facebook Comments