Iginiit nina Senators Manny Pacquiao at Ronald Bato Dela Rosa na ang brutal at kahindik-hindik na pagpatay ng isang pulis sa mag-inang Gregorio sa Tarlac ay patunay sa pangangailan na muling ipatupad ang parusang kamatayan sa mga karumal-dumal na krimen.
Ayon kay Pacquiao, napaka-casual at tila walang bahid ng anumang pagdadalawang-isip ang nakitang pagpatay ni Nuezca sa mag-ina.
Diin ni Pacquiao, marahil ay naisip ni Nuezca na mahina ang ating batas at kayang-kaya nitong pagdusahan sa kulungan ang ginawang karumal-dumal na krimen.
Bunsod nito ay umaapela si Pacquiao na bigyan sana ulit ng pagkakataon ang death penalty na siyang kulang upang mapabilis at maging epektibo ang pagbibigay ng hustisya sa mga biktima ng mga heinous crimes.
Buo rin ang paniniwala ni Senator Dela Rosa na ang hindi pag-usad ng panukalang death penalty ang isa sa mga dahilan kung bakit patuloy na nangyayari ang mga karumal dumal na krimen.
Paliwanag ni Dela Rosa, kung may death penalty ay sino pa ang gustong pumatay ng tao kung alam niyang paparusahan din siya ng kamatayan.