Poot din ang naramdaman ng mga Senador sa ginawang pagpatay ni Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca sa mag-ina sa Tarlac.
Giit ni Senator Ramon Bong Revilla Jr, walang puwang hindi lamang sa organisasyon ng pulisya ang ganitong mga tao, kundi pati rin sa isang sibilisadong lipunan kaya dapat itong maparusahan at hindi sapat na matanggal lang sa serbisyo.
Diin naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon gawain ito ng isang demonyo kaya dapat lang manatili sa bilangguan habang buhay sa Nuezca.
Ayon kay Drilon, mananatili ang pag-abuso at karahasan hangga’t nagpapatuloy ang sistema kung saan hindi napaparusahan at sa halip ay nabibigyan pa ng rewards ang mga nagkakasala.
Sabi naman ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan, ang nangyari ay resulta ng pagkunsinti at hindi pagpaparusa sa mga pulis na abusado at tiwali.
Dagdag pa ni Pangilinan, ang nangingibabaw na kultura ng dahas at patayan ay dahil sa pag-uudyok sa kapulisan na huwag matakot na pumatay.
Tanong naman ni Senator Risa Hontiveros, saan na papunta ang lipunan kung ang mga alagad ng batas mismo ay umaastang karapatan nila ang pumatay at hindi sila mapapanagot.
Para naman kay Senator Nancy Binay, ipinapakita nito ang pangangailangan sa matinding across-the-board value re-orientation sa buong hanay ng Philippine National Police.
Nauna ding nagpahayag ng galit sa insidente sina Senator Christopher Bong Go at Panfilo Ping Lacson kaakibat ang paghahangad na mabulok sa bilangguan si Nuezca.