‘TARZAN’ AWARD, NAKUHA NG 2 BAGONG SUNDALONG TUBONG KALINGA

*’TARZAN’ AWARD, NAKUHA NG 2 BAGONG SUNDALONG TUBONG KALINGA*
Cauayan City, Isabela- Nasungkit ng dalawang tubong Kalinga ang Physical Fitness Proficiency Award o tinatawag na “Tarzan” sa kanilang pagtatapos ng Candidate Soldier Course ngayong araw, May 16, 2022 sa 5ID, Camp Melchor F. Dela Cruz, Upi, Gamu, Isabela.

Binansagang ‘Tarzan’ o Pinakamalakas sa MAKISIG ALAB Class 692 si Private Rufino Dinulong Jr, 32 taong gulang, Criminology graduate na nakakuha ng 95.43 %, pinakamataas na grado sa lahat ng physical fitness activities na ipinagawa sa kanilang training.

Si Dinulong Jr ay kabilang sa 126 graduates ng Class 692 na bumubuo sa 243 na bagong sundalo ng 5ID na sumailalim sa anim na buwang masusing pagsasanay.

Sinabi ni Dinulong na talagang pinaghandaan at pinagsikapang makuha ang ‘Tarzan’ award sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pag-eensayo at disiplina sa sarili.

Naging inspirasyon aniya nito ang kanyang mga magulang at mga taong nagtitiwala sa kanya sa pagkamit ng nasabing award at pagtatapos sa kanilang matinding training.

Mensahe naman nito sa mga nagbabalak na maging sundalo na dapat magtiyaga sa pag-aapply at sumunod lahat sa mga panuntunan ng kampo.

Samantala, nakuha naman ni PVT Ryan Arias ng Pinukpuk, Kalinga ng SANIB LAHI Class 693 ang Physical Fitness Proficiency Award o Tarzan na nakakuha ng general average na 96.77%.

Facebook Comments