Task Force Against Corruption, nakatanggap na ng 144 na reklamo ng katiwalian laban sa ilang opisyal ng gobyerno

Kinumpirma ni Justice Sec. Menardo Guevarra na nakapagsumite na ang Department of Justice (DOJ), bilang Chair ng Task Force Against Corruption, ng progress report kay Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng mga reklamong katiwalian laban sa ilang opisyal ng gobyerno.

Ayon kay Guevarra, nagpulong na rin kahapon ang task force hinggil sa estado ng mga reklamong natanggap ng Secretariat.

Aniya, as of January 11, 2021, nakatanggap na ang task force ng 144 complaints at nakapag-evaluate na ng 60 complaints na karamihan ay mga anomalya sa Public Works projects sa mga rehiyon o ng Department of Public Works and Highways (DPWH) regional offices.


Sinabi ni Sec. Guevarra na kabilang sa kanilang iniimbestigahan ngayon ay ang aniya’y talamak na katiwalian sa First District Engineering Office sa Northern Samar.

Gayundin ang sinasabing ghost deliveries ng bigas at gasolina sa Capalonga, Camarines Sur at sinasabing maanomalyang pagbili ng heavy equipment at illegal disbursement ng Bayanihan funds sa Cateel, Davao Oriental.

Iniimbestigahan din ng task force ang katiwalian sa bidding, suhulan at extortion sa 3rd District Engineering Office sa Cagayan.

Kabilang din aniya sa reklamo na kanilang sinisiyasat ay ang maanomalyang construction ng dalawang tulay sa General Santos City at ang mga tinukoy na proyekto sa report ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ).

Ang naturang expose’ aniya ng PCIJ ay ini-evaluate na ng operations center ng Task Force Against Corruption.

Hinihintay na rin ng task force ang ituturn-over sa kanila ng Presidential Anti-Corruption Commission na resulta ng kanilang imbestigasyon laban sa ilang miyembro ng Kamara na sinasabing sangkot sa mga maanomalyang proyekto, para na rin sa gagawin nilang case build-up.

Facebook Comments