Panawagan ni Task Force Balik-Loob (TFBL) Chairman Undersecretary Reynaldo Mapagu sa dalawang kapulungan ng Kongreso na suportahan ang Amnesty Proclamation ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa mga dating Rebelde.
Ang tinutukoy ng opisyal ay ang Executive Order No. 125 series 2021 at Proclamation No. 1093 series 2021 na nilagdaan ng Pangulong Duterte nitong February 5, na magpapatawad sa mga krimen na ginawa ng dating kasapi ng CPP-NPA na nagbalik-loob sa gobyerno.
Sinabi ni Mapagu, ang amnesty ay magbibigay sa mga dating-rebelde ng pagkakataon para muling makapag simula sa buhay.
Nagpapatunay rin aniya ito na seryoso ang Pangulo na mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga rebeldeng naligaw ng landas at maging ang kanilang mga pamilya.
Ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng amnestiya ay bubuuin ng National Amnesty Commission, na pamumunuan ng Office of the Presidential Adviser for Reconciliation and Unity.
Siniguro ni Mapagu na makikipagtulungan ang TFBL sa National Amnesty Commission upang matiyak na ang lahat ng kwalipikadong dating rebelde ay ma-proseso ng maayos at mabigyan ng amnestiya.