Manila, Philippines – Ikukunsulta pa ng Task Force Bangon Marawi sa Department of Health kung ligtas ba ang mga manok na manggagaling sa Luzon sakaling ito ang ipamigay sa mga evacuee sa Iligan City at Cagayan de Oro City na apektado ng bakbakan sa Marwi City.
Ito ang sinabi ng taskforce sa harap narin ng panukala na ibigay nalang sa mga evacuee ang mga sobrang supply ng manok sa Luzon dahil sa hirap na maibenta ang mga ito at para mapakinabangan.
Ayon kay Office of the Civil Defense Assistant Secretary James Purisima, hindi pa nakarating sa kanila ang planong ito pero sakali aniyang mangyari ay kailangang pag-aralan muna ito ng lahat ng ahensiya na miyembro ng taskforce.
Tinyak din ni Purisima na lahat ng donasyon, ito man ay pera o relief items ay dadaan sa taskforce at pinagdedesisyunan ito ng grupo.
Matatandaan na ibinida ni Agriculture Secretary Many Pinol na sa darating na Lunes ay pupunta ng Pampanga si Pangulong Rodrigo Duterte kasama si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at kakain ng manok, balot at itik para patunayang ligtas na kumain nito.
Gayunpaman, sinabi ng DOH na mababa naman ang antas ng insidente na nalipat sa tao ang virus sa pamamagitan ng pagkain nito.