Naka-activate na ang Task Force Baywalk upang matiyak ang kaligtasan ng mga beachgoers na bibisita sa mga baybayin ng Lingayen ngayong unang araw ng taon.
Ayon kay Provincial Director PCol. Rollyfer Capoquian ng Pangasinan Police Provincial Office (PangPPO), tradisyon na ng mga residente at turista ang pagpunta sa mga beach tuwing Enero 1. Dahil dito, puspusan ang pagbabantay hindi lamang ng kapulisan kundi pati na rin ng Philippine Coast Guard at mga kawani ng Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
Hinikayat ng PDRRMO ang publiko na panatilihing malinis ang mga baybayin sa kabila ng pagdagsa ng mga tao. Paalala nila na magtapon ng basura sa tamang tapunan upang mapanatili ang kalinisan ng kapaligiran.
Samantala, inaasahan din ang pagdami ng beachgoers sa iba pang sikat na destinasyon tulad ng Tondaligan Beach sa Bonuan, San Fabian, at iba pang beach sa Western Pangasinan.
Nagbigay rin ng paalala ang mga awtoridad na iwasang maligo sa dagat kung nakainom upang maiwasan ang mga insidente ng pagkalunod.
Bilang bahagi ng seguridad, nakaposte rin ang mahigit 100 Police Assistance Desks sa buong Pangasinan upang masiguro ang kaayusan at kaligtasan ng publiko. Hinihikayat ang lahat na makipagtulungan sa mga otoridad para sa ligtas at masayang pagdiriwang ng Bagong Taon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨