Planong ipatupad sa mga barangay sa Bayambang ang Task Force Disiplina upang tutukan ang pagsunod sa mga umiiral na ordinansa sa mga maliliit na sangay ng lipunan.
Malaking bahagi ang gagampanan ng pagtalima ng mga rural areas sa bayan sa kabuuang pag-arangkada ng task force sa mga mas malalaking lugar upang tuluyang maselyuhan ang disiplina ng publiko.
Natalakay ang usapin sa ginawang pagtitipon ng grupo kasama ang ilan pang usapin tulad ng pagsasaayos ng parking lot sa dating kinatatayuan ng Yellow Building upang maiwasan ang pagsikip ng trapiko at mapanatiling maayos ang daloy ng mga sasakyan sa paligid ng pamilihang bayan, lalo na tuwing market day.
Kabilang din ang pagpapatibay ng merit system para sa lahat ng vendors at sellers, maging ang pagsasapinal ng proseso sa pag-isyu ng business permit upang matiyak na ang mga negosyante ay sumusunod sa itinakdang alituntunin, at upang mas maging mabisa ang regulasyon sa pamilihan.
Nagkaroon din ng paglilinaw hinggil sa violation fees upang maiwasan ang kalituhan sa pagpapatupad ng mga multa at kaukulang parusa.
Ang mga usapin ay pawang mga hakbang upang mapanatili ang kaayusan sa pang-araw araw na operasyon sa lahat ng pampublikong lugar.









