
Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kautusan na nagpapalakas ng National Task Force Diwalwal kontra ilegal at mapanirang pagmimina sa Diwalwal Mineral Reservation Area (DMRA) sa Davao de Oro.
Ang Diwalwal ay isang 81 ektaryang lugar sa lalawigan na sagana sa ginto.
Sa ilalim ng Executive Order 88, nakasaad na layon ng kautusan, na resolbahin ang mga isyu sa illegal mining, pagkasira ng kalikasan, at socio-economic development sa lugar.
Itinalaga ng Pangulo ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) bilang bagong chairperson ng task force.
Kasama sa mga miyembro ng task force ang Office of the President; Department of National Defense (DND) at Department of the Interior and Local Government (DILG); at ang chairperson ng Mindanao Development Authority (MinDA).
Pangunahing tungkulin ng task force na pangasiwaan ang lahat ng aktibidad sa pagmimina sa DMRA at magpatupad ng mga programa at proyekto para sa rehabilitasyon at pag-unlad ng lugar.
Inatasan din ito na bumuo at magpatupad ng mga hakbang para ayusin at gawing makatuwiran ang lahat ng mining activities, at makipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at pribadong sektor.









