Tiniyak ni Department of National Defense (DND) Sec. Gilberto Teodoro Jr. kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na aktibong kumikilos ang Task Force El Niño at mga local disaster risk reduction and management councils upang mabawasan ang epekto ng El Niño sa bansa.
Ito’y matapos ang ikalawang pagpupulong ng Task Force El Niño kung saan sumangayon ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa posisyon ng kalihim na dapat ay naka-align ang pagkilos ng lahat ng lokal na pamahalaan sa whole of Nation Approach ng pangulo sa pagtugon sa El Niño.
Nais ng Pangulong Marcos na mag focus ang pamahalaan sa “systematic, holistic, at results-driven interventions.”
Kasunod nito, nananawagan din ang kalihim nang pagtutulungan at koordinasyon ng lahat sa harap ng inaasahang epekto ng El Niño sa bansa.
Matatandaang base sa pagtaya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), 41 lalawigan na ang apektado ng El Niño kung saan bahagya itong bumaba mula sa inisyal na 50 apektadong lalawigan pero, napagkasunduan parin ng Task Force na palakasin ang mga pagtugon dahil tatagal pa hanggang May 2024 ang El Niño sa bansa.