Task Force El Niño, nilinaw na hindi limitado sa financial assistance ang ibinibigay ng gobyerno sa mga magsasakang apektado ng matinding tagtuyot

Nilinaw ng Task Force El Niño na hindi limitado sa financial assistance ang ipinapamahagi ng gobyerno sa mga magsasakang apektado ng matinding tagtuyot.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Task Force El Niño Spokesperson at Presidential Communications Office Assistant Secretary Joey Villarama na nakadepende sa pangangailangan ng magsasaka ang ibinibigay na tulong ng pamahalaan.

“Kapag po kasi ang pangangailangan ng magsasaka ay panggasolina lang po o diesel para sa kanilang irrigation system, ‘yun po ang ibinibigay. Kapag ang kailangan po nila ay punla, supposing po ay palay ang kanilang itinatanim at hindi na po pwedeng magtanim ng palay, so bibigyan po sila ng alternative high-value crops seeds.”


“Meron naman po talaga na hindi na po talaga mapakinabangan ‘yung kanilang lupain so hindi na po sila pwedeng magsaka, so doon po papasok ‘yung DSWD at DOLE para sa cash for work program.”

Nabatid na ₱5,000 na one-time financial assistance ang ipinapamahagi sa mga apektadong magsasaka habang ₱3,000 naman para sa fuel assistance.

Sa ngayon, nasa ₱2.5 billion na halaga ng ayuda ang naipamahagi ng gobyerno sa mga apektadong lugar sa bansa.

Base sa huling datos ng NDRRMC, nasa 207 na syudad at munisipalidad na ang nagdeklara ng state of calamity dahil sa El Niño kung saan pito sa nasabing bilang ay mga probinsya.

Facebook Comments