Hindi inaalis ng Task Force El Niño ang posibilidad na hihina pa ang water pressure o mawawala ang supply ng tubig sa Metro Manila, dahil sa patuloy na pagbaba ng water level sa Angat Dam.
Dahil dito, tiniyak ni Task Force El Niño Spokesperson at Presidential Communication Office (PCO) Asec. Joey Villarama, na handa ang pamahalaan na tugunan ang naturang problema.
Mayroon aniyang alternatibong pagkukuhanan ng tubig ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) para sa dalawang concessionaires.
Partikular dito ang mga naka-standby na deep wells na nakakalat sa Metro Manila at sa Rizal Province.
Sa kabuuan, may 137 na deep wells sa buong Metro Manila, kung saan 69 sa mga ito ay naka standby at sampu naman ay operational na.
Dagdag pa ni Villarama, magkakaroon din ng package treatment plant na magpoproseso ng waste water upang muling magamit ng mga kabahayan.