Pinagana na ng Philippine National Police ang Task Force Manila Shield nito bilang bahagi ng security preparations sa unang State of the Nation Address ni Pangulong Bongbong Marcos bukas, July 25.
Sa isang panayam, sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na naglatag na sila ng mga random checkpoints.
Habang bukas ng madaling araw ay ide-deploy na rin nila ang lahat ng kanilang mga tauhan sa lahat ng checkpoints sa paligid ng Batasang Pambansa.
Samantala, mula nang ipatupad ang gun ban sa buong Metro Manila noong Biyernes ay umabot na sa siyam ang naaresto ng mga pulis habang anim na baril at iba pang deadly weapons ang nakumpiska.
Wala pa namang natatanggap na anumang banta sa seguridad ang PNP isang araw bago ang SONA.
Magdedeploy rin ang PNP ng magkahiwalay na team sa Commonwealth Avenue-Tandang Sora at IBP Road para bantayan ang mga aktibidad at matiyak ang kaligtasan ng mga pro- at anti-Marcos rallyists.