Anim na araw bago ang inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa June 30 ay pagaganahin ng Philippine National Police (PNP) ang Task Force Manila.
Ayon kay PNP Director for Operations Major General Valeriano del Leon, layunin nang pagpapagana ng Task Force Manila ay upang masiguro ang maximum security para sa gaganaping makasaysayang okasyon sa bansa.
Kabilang sa mga ipatutupad ang mahigpit na checkpoint at gun ban.
Kaugnay nito, sinusubukan ng PNP na makipag-ugnayan sa mga iba’t ibang grupo na nagpaplanong magsagawa ng kilos-protesta para maging organisado at payapa ang kanilang gagawing rally.
Aabot sa mahigit 15,000 na mga pulis, sundalo, coastguard personnel at force multipliers ang ide-deploy sa June 30 sa National Museum para matiyak lang na magiging maayos at payapa ang makasaysayang okasyon.