Pahaharapin sa reklamong administratibo ang limang miyembro ng Parañaque Task Force na sangkot sa marahas na pag-aresto sa lalaking nakipag-agawan ng kariton sa clearing operation sa Baclaran noong Biyernes.
Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, bukod sa terminasyon, mismong ang lokal na pamahalaan ang magsasampa ng kasong administratibo laban sa kanila.
Humingi rin ng paumanhin ang alkalde sa pamilya ng biktimang si Warren Villanueva.
Kasabay nito, pinaalalahanan ng alkalde ang mga nagsasagawa ng clearing operation na maging maunawain at pairalin ang maximum tolerance.
Habang nakiusap din siya sa mga street vendor na sumunod sa protocols.
Samantala, sa interview ng RMN Manila, sinabi ni DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño na maaari ring maharap sa kasong kriminal ang limang task group members.
Handa rin niyang tulungan si Villanueva kung mapagdedesisyunan nitong magreklamo.
“Yung sa physical injury, criminal yun. Tapos yung administrative, pwedeng matanggal sa trabaho yan,” ani Diño.